Thursday, October 28, 2010

Buti Pa Sila

Buti pa si Kris, ang mukha tadtad ng make-up,
Sari-sari ang kuleksyon ng gown, pati mga alahas.
Kaliwa't kanan ang mga advertisement at palabas,
Bihasa sa pag-iingles mala-hollwood ang dating.
Samantala, eto'ng si manong, ilan taon nang nagbubungkal
Habang tumatagal, lalong nalulubog sa utang.

Buti pa si Mikee, magaling mangarera ng kabayo,
Kahit hindi na pahabain panigurado magaling din 'to sa polo.
Nakalulula ang mga kagamitan dahil tumatagingting ang presyo,
'Tila barya lamang sa mga paninging nagyeyelo.
Pero 'tignan mo ang hapunan ngayon nila manong,
Nilugawang ipot na may 'sandakot na lumot.

Buti pa sila, kumpleto ang pagkain sa hapag;
Kahit walang piyesta mistulang piging na handaan.
Kumpleto sa kutsara't tinidor, may kandila pang kasama;
Para bang araw-araw ay may birthday sa kanila.
Sa isang gilid, tignan mo si manong na nagmamaka-awa.
Sabi 'nung susyalin: "You are pretty spoiled!" sabay taas ng kilay.

Kahit magkagayon man, 'tong si manong ay pilit nagtitiis,
Ang kakarampot na kita'y pagkakasyahin sa pamilyang ginigipit.
Bawat miyembro'y tagus-tagusan ang nadaramang sakit
Mag-anak na ikinulong, sa sariling tahanan ipiniit,
Kalawanging tanikalang nakapulupot ay pilit na inaalis,
Kaliwanagan ay patuloy na hinahanap para sa katarungang minimithi.



No comments:

Post a Comment