Sunday, October 31, 2010

TODOS LOS SANTOS

Panahon na naman ng Undas. Panahon kung saan naglipana na naman ang samu't saring trip, gimik, kademonyohan... atbp na may kinalaman sa okasyong ito. Mabentang-mabenta ang mga nakakatakot na maskara na nabibili sa kung saan. May mga mukha ng zombies, halimaw, at maligno na "IN" sa lahat, bata man o matandang ayaw umalis sa pagkabata. Minsan yung iba hindi maka-afford ng mamahaling mask kaya bibili na lang ng taglilimang pisong zombie mask na gawa sa karton o kaya maglalagay na lang ng harina sa mukha at kaunting wisik ng food color na pula para lang masabi na sila'y "IN". Pero kung gusto mo talagang maki-IN na matakot ngunit tamad kang mag-effort, harap ka na lang sa salamin. 

Nariyan rin ang mga padasal sa mga bahay-bahay para ipagdasal ang mga mahal nila sa buhay na sumalangit na. Nakatutuwang isipin dahil hanggang ngayon ay napapanatili pa rin ang ganitong tradisyon ng mga Pilipino sa kabila ng pag-usbong ng mga pa-gimik at kademonyohan ng kapitalismo sa Pilipinas. Sa katunayan, bihira na lang ang ganitong tradisyon ng mga Pilipino. Unti-unti na kasi itong tinatapakan ng mga halloween parties at TRICK or TREAT.

Pero kahit magkagayon man, hindi pa rin nawawala karamihang mga Pilipino ang pagkakaroon ng reunion o pagsasama-sama muli ng mga magkakamag-anak. Nagsasama-sama sila sa okasyong ito para kumustahin ang isa't-isa. Ito rin ay panahon para alalahanin o sariwain ang mga masasayang ala-ala ng kanilang mga yumao.

Ngayong panahon ng Todos Los Santos, sana'y 'wag nating kalilimutan ang totoong esensya ng tradisyong ito. Maliban sa pagpapalakas ng ating pananampalataya, sana'y 'wag maalis sa ating isipan na tayo'y mga buhay at hindi mga patay na hindi kumikilos. Hangga't buhay tayo ay may magagawa tayo sa lipunan at habang may buhay, may pag-asa!

Anuman ang trip o saan ka man ngayong panahon ng Undas, maligayang paglalakbay! Palaging mag-iingat! :D

No comments:

Post a Comment