Naging mapayapa at matagumpay ang pagkilos na isinagawa ng mga iskolar ng bayan, guro, at iba pang mga kawani ng PUP upang igiit ang P2 Bilyong budget na dapat ilaan sa PUP. Nilahukan din ito ng iba't-ibang mga kolehiyo mula sa extensions ng pamantasan na nagmartsa papuntang PUP Main Campus. Ang nasabing pagkilos ay suportado ni Dr. Dante Guevarra at ng buong PUP Administration. Bilang paunang bugso ay nagpatawag si Dr. Dante Guevarra noong nakaraang huwebes, Nob. 18, 2010 ng isang Press Conference upang ipahatid sa publiko ang kanyang suporta sa laban ng mga iskolar ng bayang hinggil sa paggigiit nito sa P2 Bilyong budget na kakailanganin upang matugunan ang mga pangangailangan sa loob ng pamantasan.
Kung ating matatandaan sa mga nakalipas na panahon ay ilang beses nang pinagtangkaan ng PUP Admin na taasan ang Tuition Fee ng PUP. Ito ang isa sa kanilang mga taktika upang magkaroon ng dagdag budget ang pamantasan. Bukod pa riyan, ang ilan sa kanilang mga raket ay ang pagkakaroon ng mga compulsary books, raffle ticket, S.I.S Fee...blah blah energy fee at kung anu-ano pang fee na ipinapapapasan sa mga estudyante.
Bakit nga ba nagkakaroon ng Budget Cut sa PUP?
Hindi lamang sa PUP nagkakaroon ng budget cut kundi sa iba't ibang SUCs (State Universities and Colleges) sa buong Pilipinas kagaya na lamang ng UP na may pinakamalaking tapyas na nagkakahalaga ng P1.39 bilyon at ikalawa ay ang PNU na may P91.35 milyong tapyas na budget para sa 2011. Para sa mga karagdagang impormasyon, narito ang link:
http://kabataanpartylist.com/blog/state-universities-colleges-budget-briefer-2011/
Sa tuwing magkakaroon ng alokasyon sa pambansang budget, pinakamalaking napaglalaanan nito ay ang utang panlabas.
Kahit wala namang utang sa mga dayuhan ang mga magulang natin(at lalong hindi nila ginustong mangutang) ay obligado pa rin silang magbayad ng buwis para bayaran ang mga utang na hindi naman sa kanila(ganyan kabait ang mga Pilipino). Magpahanggang ngayon nga ay binabayaran pa rin nating mga Pilipino ang mga utang noong panahon pa ng rehimeng Marcos at babayaran nang babayaran ng mga inapo natin. Baka makalimutan rin natin ang kuleksyon ng mga mamahaling sapatos ni Mareng Imelda(Nabasa ko sa Guiness Book of World Records 1990 'yan).
Mabuti na lamang at hindi na uso ngayon ang direktang pagbebenta ng mga alipin bilang pambayad utang sa mga dayuhan. Baka pati siguro ako ay nabenta na. Kahit hindi pa man ito mauso ngayon, parang kinakalakal na rin tayo ni P-NOY dahil ginagawa niya pa ring solusyon ang pangingibang-bayan sa kahirapan at ang pagpapakatuta nito sa Estados Unidos.
Ikalawang natutugunan ng mas mataas ng budget ang Military Expenses.
Katwiran nga nung kaibigan ko, kaya daw kailangang magkaroon ng mas malaking budget sa militar kaysa edukasyon ay baka sakupin tayo ng ilang mga karatig bansa katulad na lamang ng China. Hindi rin daw tayo ligtas sa terorismo kagaya ng Abu Sayyaf at Al Qaeda. Akala ko nga idadagdag nya yung banta ng mga aliens from other galaxies.
Mula sa P57.8 bilyon noong 2010 ay magiging P104.7 bilyon sa 2011 ang budget ng National Defense. Para sa karagdagang impormasyon, narito ang link:
http://www.gov.ph/2010/08/24/president-aquinos-2011-budget-message/
Lingid sa kaalaman ng nakararami na sa bawat balang idinudura ng M16, M4A1...at iba pang assault rifle sa training(wala pang casualties yun), katumbas na nito ang pananghalian ng isang tipikal na estudyante ng PUP sa loob ng isang araw(P15-20, kasama na rin ako dun). Katumbas naman ng 10 bala ang isang araw na budget ng isang maralitang pamilya na may 5-7 miyembro(P100-130).
Lubhang nakakabahala ang ganitong kalagayan sa sektor ng edukasyon. Unti-unti nang nagiging sangkap ang komersalisasyon ang mga SUCs. Tulad na lamang ang pagpasok ng iba't ibang pribadong sektor sa PUP kagaya ng PEPSI na may multi-milyong kontrata sa loob ng pamantasan. Kaya nagtataka ako dati bakit walang Coke at Cobra dito. Sa paglalaan ng maliit na badyet ay maaaring hindi na ito panghawakan ng pamahalaan at bilhin na laman ng mga nasa pribadong sektor. At dahil dito, baka tuluyan nang maibaon sa limot na ang edukasyon ay karapatan ng bawat isa sa atin.
"Kaya bago pa man magtagumpay ang mga pusang gala, tumakbo este harangan nating mga daga ang kanilang mga maiitim na singit este balak pala na maaaring sumira sa ating pamantasan nang sa gayon ay maipakita natin na kapag sama-sama ang mga daga, matatakot ang mga pusa!"
-anonymous
MAKILAHOK! MAKI-ALAM! Sumama sa mga susunod na gagawing pagkilos!
BUDGET CUT sa SUCs, TUTULAN, LABANAN, HUWAG HAYAAN!
No comments:
Post a Comment