Sunday, May 15, 2011

Bayaning Tulisan

Tao rin siyang maituturing at normal mag-isip.
Hindi siya labas sa mental at lalong walang rekord sas bilibid.
Normal din naman ang kanyang pamumuhay tulad ng sa atin.
Hindi siya alien, hindi siya multo at lalong hindi siya hangin.
Hindi naman siya snatcher, hindi holdaper ngunit kriminal kung ituring.
Sa mundong kinalagya'y ang puso'y punum-puno at nagngangalit.

Hindi siya tanggap sa mundong patuloy na ginagahasa.
Ng mga Damaso at mga Diyos at anito ng kayamanan.
Pilit siyang tinutulak sa isang lalim na walang hanggan.
Hinihipan ang bawat bakas ng kanyang yapak sa maputik na daan.
Kanyang alingawngaw'y dinig, pasulong papuntang kaitaasan.
Naririnig, ng mga nakagapos na tila manunubos at tinig ng kalayaan.


Wednesday, December 22, 2010

Bituin Sa Belen

Hayyyysss... Amoy na amoy ko na ang pasko sa Pilipinas. Nariyan ang mga nangangaroling, X-Mas Party, ...atbpang mga kaburgisan. Medyo colonialized na ang ating pagdiriwang. Kulang na nga lang dito talaga sa Pilipinas ay mababang temperatura at nagbabagang yelo dahil sa mga burgis(bourgeois) na pinipilit gawing Amerika ang Pilipinas. Isasama ko pa ba ang naka "tarpau" na pagbati ng mga TRAPO na nagkalat diyan sa lansangan? Mga mukhang walang wrinkles at pimples. Only BELO este PHOTOSHOP touches their face.

Ang pasko na siguro ang "pinaka" sa lahat ng tradisyon dito sa ating daigdig(kasali ako huh?). Pinakamahabang selebrasyon, pinakamagastos, pinakamaluho, pinakamaningning(dahil sa mga xmas lights at ka-echusang eklabung decoooorrsss), pinakamakulay(same as "pinakamaningning"), at pinakamasaya(Eh ano pa nga ba?)! Masaya dahil maraming pagkaing nasasalo at napapagsaluhan, maraming gimik at party! party! Maraming Aginaldo mula sa mga nagtangkang tumakas na ninong at ninang, at higit sa lahat ay sama-sama ang buong mag-anak para sa noche buena. Ngunit kabaligtaran ito sa mga batang nangungulila at mga wasak na tahanan. Mga nagugutom, napabayaan, inabandona, at mga magpahanggang ngayo'y sumisigaw at humihingi ng katarungan. Tila nawawalan yata sila ng pag-asa dahil hindi sila pinakikinggan.

Bigla ko tuloy naalala. Isang gabi nito lamang disyembre. Habang ako'y papauwi na, nadaanan ng sinasakyan kong bus ang Philippine Heart Center. Napansin ko ang isang malaking belen na nakaratay sa may terrace ng gusali. Tanaw ko mula sa bintana ng sinasakyan kong bus ang higanteng belen ng PHC. Kapansin-pansin ang mga nagkikislapang mga ilaw na nakapalibot dito. Nagmistula na naman akong bata dahil hindi ko sinasadyang maaliw sa mga ilaw lalo na sa "star" sa may itaas. Nakakamangha ang kakaibang perspective nito dahil anino lamang nina Jose, Maria, at Jesus ang iyong matatanaw(2 dimension lang ang belen na 'to.)

Kahit saang sulok ng mundo, pare-pareho ang perspective, rendition, blah blah concepts ng mga belen. Kahit lagyan pa yan ni Mr. Bean ng mga helecopters at dinosaurs sa paligid ay ganoon pa rin naman ang konsepto: may bituing nagniningning sa kaitaasan. Maraming tao ang aking pinagtanungan tungkol sa kahulugan ng "STAAAARRR" (malaking boses) sa belen. Isa lang ang naging sagot nila: PAG-ASA. Ngunit hindi nila maisagot nang maayos kung bakit nga ba nasa itaas ang "STAR" na yan. Sabi ng isa, "Wala pa kasing kuryente noong araw kaya iyon ang alternatibong solusyon(street lights daw). Sabi naman 'nung isa pa, "Nasa outer space kasi ang star kaya nasa itaas(astronaut yata ang napagtanungan ko). Natuwa sa ako sa sinabi 'nung isa pa, "Para magabayan ang tatlong hari." Ngunit hindi ito ang gusto kong marinig(ano bang gusto mo? hmmmmppp!).

*Pag-asa pala! Eh ano pang dinadrama ko dito sa blog na 'to? Pati ba naman STAAAARRRRRRR napagtripan ko pa? Anak ng tinapa! Bago tayo magdrama, liliwanagin kita!


Ibig sabihin kaya nasa taas ang bituin dahil ito'y para sa lahat? Ito ba ang mensahe ng belen? Kung para sa lahat nga ang dinadramahan kong bituin na yan, bakit marami ang hindi naaaninag ng bituin na yan? Kumbaga sa concert, nasa unahan ang mga matatangkad at malalaki ang katawan. Palagi na lang ipinapamukha sa akin ng mga hinayupak na 'yun na huwag akong mawawalan ng pag-asa! Palagi't-palagi kong sinasabi 'yon ngunit wala namang nangyayari. Ngunit eto pa rin, nananatiling matatag. Nananatiling nga akong matatag ngunit hindi naman nakaka-angat. At kung ako'y nakaka-angat ay paunti-unti. Samantalang sila'y ilang milya na ang layo mula sa akin. Ang buhay ko'y parang gulong, puro pataas ang dinadaanan. Ang gulong din nama'y napupudpod at nawawalan ng hangin. 'Wag naman sana akong malaglag sa bangin. XD

Ma-gets nyo man o hindi ang mensaheng gusto kong iparating, nasa sa'yo pa rin ang paghuhusga. XD


*Isang pinakamataas na pagpupugay sa lahat!

Bata, matanda, May bahay o wala
disabled, special, o kaya'y busted
binata, dalaga, may-asawa o wala
Kaya kahit sino ka pa, kahit isinusuka ka,
basta't nilalang ka sa mundo,
isang Maligayang pasko at Manigong bagong taon sa'yo!

Wish to have MORE POWER FOR PEOPLE!
GODBLESS US!

***struggle continues...

Wednesday, November 24, 2010

NEVER FORGET!


Para sa lahat ng pamilya na magpahanggang ngayon ay naghahanap ng HUSTISYA!
Para sa lahat ng patuloy na pinapatay ng BULOK na sistema ng pamahalaan!
Isang alay para sa nagluluksang masa!
Alay sa nawawalang liwanag!

Saturday, November 20, 2010

WE ARE ON STRIKE!

Naging mapayapa at matagumpay ang pagkilos na isinagawa ng mga iskolar ng bayan, guro, at iba pang mga kawani ng PUP upang igiit ang P2 Bilyong budget na dapat ilaan sa PUP. Nilahukan din ito ng iba't-ibang mga kolehiyo mula sa extensions ng pamantasan na nagmartsa papuntang PUP Main Campus. Ang nasabing pagkilos ay suportado ni Dr. Dante Guevarra at ng buong PUP Administration. Bilang paunang bugso ay nagpatawag si Dr. Dante Guevarra noong nakaraang huwebes, Nob. 18, 2010 ng isang Press Conference upang ipahatid sa publiko ang  kanyang suporta sa laban ng mga iskolar ng bayang hinggil sa paggigiit nito sa P2 Bilyong budget  na kakailanganin upang matugunan ang mga pangangailangan sa loob ng pamantasan.

Kung ating matatandaan sa mga nakalipas na panahon ay ilang beses nang pinagtangkaan ng PUP Admin na taasan ang Tuition Fee ng PUP. Ito ang isa sa kanilang mga taktika upang magkaroon ng dagdag budget ang pamantasan. Bukod pa riyan, ang ilan sa kanilang mga raket ay ang pagkakaroon ng mga compulsary books, raffle ticket, S.I.S Fee...blah blah energy fee at kung anu-ano pang fee na ipinapapapasan sa mga estudyante.

Bakit nga ba nagkakaroon ng Budget Cut sa PUP?

Hindi lamang sa PUP nagkakaroon ng budget cut kundi sa iba't ibang SUCs (State Universities and Colleges) sa buong Pilipinas kagaya na lamang ng UP na may pinakamalaking tapyas na nagkakahalaga ng P1.39 bilyon at ikalawa ay ang PNU na may P91.35 milyong tapyas na budget para sa 2011. Para sa mga karagdagang impormasyon, narito ang link:
http://kabataanpartylist.com/blog/state-universities-colleges-budget-briefer-2011/

Sa tuwing magkakaroon ng alokasyon sa pambansang budget, pinakamalaking napaglalaanan nito ay ang utang panlabas.
Kahit wala namang utang sa mga dayuhan ang mga magulang natin(at lalong hindi nila ginustong mangutang) ay obligado pa rin silang magbayad ng buwis para bayaran ang mga utang na hindi naman sa kanila(ganyan kabait ang mga Pilipino). Magpahanggang ngayon nga ay binabayaran pa rin nating mga Pilipino ang mga utang noong panahon pa ng rehimeng Marcos at babayaran nang babayaran ng mga inapo natin. Baka makalimutan rin natin ang kuleksyon ng mga mamahaling sapatos ni Mareng Imelda(Nabasa ko sa Guiness Book of World Records 1990 'yan).
Mabuti na lamang at hindi na uso ngayon ang direktang pagbebenta ng mga alipin bilang pambayad utang sa mga dayuhan. Baka pati siguro ako ay nabenta na. Kahit hindi pa man ito mauso ngayon, parang kinakalakal na rin tayo ni P-NOY dahil ginagawa niya pa ring solusyon ang pangingibang-bayan sa kahirapan at ang pagpapakatuta nito sa Estados Unidos.


Ikalawang natutugunan ng mas mataas ng budget ang Military Expenses.

Katwiran nga nung kaibigan ko, kaya daw kailangang magkaroon ng mas malaking budget sa militar kaysa edukasyon ay baka sakupin tayo ng ilang mga karatig bansa katulad na lamang ng China. Hindi rin daw tayo ligtas sa terorismo kagaya ng Abu Sayyaf at Al Qaeda. Akala ko nga idadagdag nya yung banta ng mga aliens from other galaxies.

Mula sa P57.8 bilyon noong 2010 ay magiging P104.7 bilyon sa 2011 ang budget ng National Defense. Para sa karagdagang impormasyon, narito ang link:
http://www.gov.ph/2010/08/24/president-aquinos-2011-budget-message/

Lingid sa kaalaman ng nakararami na sa bawat balang idinudura ng M16, M4A1...at iba pang assault rifle sa training(wala pang casualties yun), katumbas na nito ang pananghalian ng isang tipikal na estudyante ng PUP sa loob ng isang araw(P15-20, kasama na rin ako dun). Katumbas naman ng 10 bala ang isang araw na budget ng isang maralitang pamilya na may 5-7 miyembro(P100-130).

Lubhang nakakabahala ang ganitong kalagayan sa sektor ng edukasyon. Unti-unti nang nagiging sangkap ang komersalisasyon ang mga SUCs. Tulad na lamang ang pagpasok ng iba't ibang pribadong sektor sa PUP kagaya ng PEPSI na may multi-milyong kontrata sa loob ng pamantasan. Kaya nagtataka ako dati bakit walang Coke at Cobra dito. Sa paglalaan ng maliit na badyet ay maaaring hindi na ito panghawakan ng pamahalaan at bilhin na laman ng mga nasa pribadong sektor. At dahil dito, baka tuluyan nang maibaon sa limot na ang edukasyon ay karapatan ng bawat isa sa atin.

"Kaya bago pa man magtagumpay ang mga pusang gala, tumakbo este harangan nating mga daga ang kanilang mga maiitim na singit este balak pala na maaaring sumira sa ating pamantasan nang sa gayon ay maipakita natin na kapag sama-sama ang mga daga, matatakot ang mga pusa!"

-anonymous

MAKILAHOK! MAKI-ALAM! Sumama sa mga susunod na gagawing pagkilos!
BUDGET CUT sa SUCs, TUTULAN, LABANAN, HUWAG HAYAAN!

Sunday, October 31, 2010

TODOS LOS SANTOS

Panahon na naman ng Undas. Panahon kung saan naglipana na naman ang samu't saring trip, gimik, kademonyohan... atbp na may kinalaman sa okasyong ito. Mabentang-mabenta ang mga nakakatakot na maskara na nabibili sa kung saan. May mga mukha ng zombies, halimaw, at maligno na "IN" sa lahat, bata man o matandang ayaw umalis sa pagkabata. Minsan yung iba hindi maka-afford ng mamahaling mask kaya bibili na lang ng taglilimang pisong zombie mask na gawa sa karton o kaya maglalagay na lang ng harina sa mukha at kaunting wisik ng food color na pula para lang masabi na sila'y "IN". Pero kung gusto mo talagang maki-IN na matakot ngunit tamad kang mag-effort, harap ka na lang sa salamin. 

Nariyan rin ang mga padasal sa mga bahay-bahay para ipagdasal ang mga mahal nila sa buhay na sumalangit na. Nakatutuwang isipin dahil hanggang ngayon ay napapanatili pa rin ang ganitong tradisyon ng mga Pilipino sa kabila ng pag-usbong ng mga pa-gimik at kademonyohan ng kapitalismo sa Pilipinas. Sa katunayan, bihira na lang ang ganitong tradisyon ng mga Pilipino. Unti-unti na kasi itong tinatapakan ng mga halloween parties at TRICK or TREAT.

Pero kahit magkagayon man, hindi pa rin nawawala karamihang mga Pilipino ang pagkakaroon ng reunion o pagsasama-sama muli ng mga magkakamag-anak. Nagsasama-sama sila sa okasyong ito para kumustahin ang isa't-isa. Ito rin ay panahon para alalahanin o sariwain ang mga masasayang ala-ala ng kanilang mga yumao.

Ngayong panahon ng Todos Los Santos, sana'y 'wag nating kalilimutan ang totoong esensya ng tradisyong ito. Maliban sa pagpapalakas ng ating pananampalataya, sana'y 'wag maalis sa ating isipan na tayo'y mga buhay at hindi mga patay na hindi kumikilos. Hangga't buhay tayo ay may magagawa tayo sa lipunan at habang may buhay, may pag-asa!

Anuman ang trip o saan ka man ngayong panahon ng Undas, maligayang paglalakbay! Palaging mag-iingat! :D

Saturday, October 30, 2010

MALIMIT

Kilala nyo ba si Gabby ng AMPON a.k.a. Cameltoe? Kung hindi mo siya kilala malamang hindi ka pa nakakanood ng FLIPTOP sa youtube.





Eto 'yung lyrics:


Hook:
Malimit mang sumudal sa init ang kabutihang isip,
sa butas na kaluluwa'y di maiiwasang sumilip,
sa paligsahan ng pangungulila, ang premyo ay dunong,
pero bago ka makasali palayain ang pusong nakakulong.

Verse 1

Sunugin natin ang bandila nang umusok ang nasyonalismo,
ang dating dagat ng rebolusyon ngayo'y dumadaan sa gripo,
ayoko nang umasa, sa bansang nag-tataka, kung ba't di tayo umaangat, mga ungas ang tatanga,
ako'y nanghihingalo, ang oras ay tumatakbo, patungo sa liwanag ng langit ng umuulan ng abo,
hindi pa tapos ang laban at kung matalo man ako,
ang mga AMPON ng bayan ko'y haharap sayo,
pero nasan ang talino sa likod ng gahas? nakikipagtalik ang sisiw sa mapanganib na ahas,
ng republikang nabibiyak sa bigat ng kanyang mga sikreto,
kung wala ang sagot sa alak, nasa rebulusyon o sa kumbento

Verse 2

Wag mo munang pinturahan ang puting kambas, dahil ang hari ng ngayon ay siyang payaso bukas,isa-isa nating himayin ang buto ng malansang pagtanggap, sa ilalim ng mga taong 'to, mga baboy na nag-papanggap, kapag magising ba ang masa, sila'y tatanghaling hesus? kung ganon ako ang mag-papako ng proletaryo sa krus, ayoko nang maghanap ng bayani sa kabataang duwag, na hindi kaya harapin sa salamin ang katotohanang hubad, hindi biro ang rebolusyon, bat sila'y humahalakhak, natapilok ang kabataan sa bato ng pagkalimot, bigyang liwanag ang dalim ng mawala ang anino ng pagduda, aapaw na ang kalungkutan ng bayan kong lumuluha, ang bahaghari ng hustisya'y kulay itim at puti, pero ngayo'y pula sa dugo ng mga abogadong nag-bigti, kaysa lumaban ang pilipino nakuntento na sa pag-ngiti, mga putanginang indiong nagpapakapalan ng budhi, para kanino namatay si Rizal at Bonifacio itinatanong ninyo? hindi para sa mga Pilipino na kagaya niyo, wala na ngang pag-asa ang bansang nagtataka, kung bakit ang panaginip ng dati, ay panaginip pa...



***


Nalaman ko lang ito'ng kantang 'to sa aking kaibigan na adik din sa Fliptop. Try to listen at baka mahiwagaan kayo. Akmang akma ang post na ito lalo na't mag-uundas. Hindi isinulat ang kanta para magbigay takot sa atin bagkus magsilbing kape na gigising sa 'ting mga tulog.


Kahit na akong nagpost ay nagimbal dahil sa laman ng awiting 'to. Masakit isipin pero natamaan din ako sa kantang 'to. Nakakatuwang isipin na hindi pa nauubos ang mga tulad nina Cameltoe at Loonie at mangilan-ngilang artists na may sense at hindi basta nagsulat ng kanta para makipagyabangan. Although kahit rakista ako pero napabilib nila ako. Hindi ko rin sukat akalain na si Cameltoe ay magko-compose ng ganito kalalim na awitin sapagkat kung ating mapapanood ang kanyang mga laban sa Fliptop ay puro explicit. Sana nga eto na lang ang mga sumisikat. Sana sila na lang ang pinapansin ng madla.

Thursday, October 28, 2010

Buti Pa Sila

Buti pa si Kris, ang mukha tadtad ng make-up,
Sari-sari ang kuleksyon ng gown, pati mga alahas.
Kaliwa't kanan ang mga advertisement at palabas,
Bihasa sa pag-iingles mala-hollwood ang dating.
Samantala, eto'ng si manong, ilan taon nang nagbubungkal
Habang tumatagal, lalong nalulubog sa utang.

Buti pa si Mikee, magaling mangarera ng kabayo,
Kahit hindi na pahabain panigurado magaling din 'to sa polo.
Nakalulula ang mga kagamitan dahil tumatagingting ang presyo,
'Tila barya lamang sa mga paninging nagyeyelo.
Pero 'tignan mo ang hapunan ngayon nila manong,
Nilugawang ipot na may 'sandakot na lumot.

Buti pa sila, kumpleto ang pagkain sa hapag;
Kahit walang piyesta mistulang piging na handaan.
Kumpleto sa kutsara't tinidor, may kandila pang kasama;
Para bang araw-araw ay may birthday sa kanila.
Sa isang gilid, tignan mo si manong na nagmamaka-awa.
Sabi 'nung susyalin: "You are pretty spoiled!" sabay taas ng kilay.

Kahit magkagayon man, 'tong si manong ay pilit nagtitiis,
Ang kakarampot na kita'y pagkakasyahin sa pamilyang ginigipit.
Bawat miyembro'y tagus-tagusan ang nadaramang sakit
Mag-anak na ikinulong, sa sariling tahanan ipiniit,
Kalawanging tanikalang nakapulupot ay pilit na inaalis,
Kaliwanagan ay patuloy na hinahanap para sa katarungang minimithi.